211

Oct 17, 2017 @ 17:25

Simbahan, muling nanindigan sa EJK sa giyera kontra droga

Hayag sa lahat na bagama’t maraming Filipino ang tutol sa paglaganap ng iligal na droga sa bansa, hindi naman sang-ayon ang mga Pinoy sa paraan na patayin ang mga hinihinalang sugapa sa bisyo.

Ito ang naging reaksyon ni incoming Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) vice president Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa inilabas na Pulse Asia survey.

Ayon kay Bishop David, ang 88 porsiyento ay sang-ayon na ang mga iligal na droga ay dapat labanan, ngunit 73 porsiyento ay hindi sumasang-ayon sa paraan ng paglaban dahil sa extrajudicial killing (EJK).

Patuloy na naninindigan ang simbahan na hindi sagot sa war on drugs ang pagpaslang, sa halip ay ang pag-alalay sa mga naging adik na magbago at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.

Sa ulat ng Pulse Asia, 58 porsiyento ang nagsasabing dapat tumulong ang mga pinuno ng simbahan sa rehabilitasyon ng mga adik sa iligal na droga, 46 porsiyento ang nagsasabing dapat bantayan ng simbahan ang kampanya kontra droga at 40 porsiyento naman ang nagsasabing dapat ikondena ang mga pagpatay na kaakibat ng kampanya. (Yesh Navarro)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?