322

By

Simbahan, komunista posibleng magsanib vs Duterte – Palasyo

Sharing is caring!

Hindi inaalis ng Malacañang ang posibilidad na magsanib-puwersa ang kilusang komunista at Simbahan para matanggal sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap na rin ng patuloy na patutsada ng ilang alagad ng simbahan sa Presidente sa kanilang inilatag na dayalogo sa mga ito.

Ayon kay Roque, dalawang taon nang binibira ng Simbahan ang Pangulo dahil hindi matanggap na natalo sa eleksiyon ang kanilang kandidato.

Hindi rin aniya nawawala ang ambisyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na patalsikin ang Pangulo pero hindi aniya mangyayari ito kaya’t hanggang sa panaginip lang ang ambisyong ito ng grupo ni CPP founding chairman Jose Maria Sison.

“Alam n’yo naman talaga ‘yung patutsada ng Simbahan, eh nagsimula naman ‘yon nu’ng natalo ‘yung kandidato nila noong eleksyon. Tapatan na, Kristiyano naman tayo, bakit pa tayo magpapaligoy-ligoy. Marami po talaga sa Simbahan hindi matanggap na ‘yung kandidato nila talunan.

“So talagang sa kanila, kahit ano pang mangyari baka marami nga sa kanila eh hindi nila tatanggapin si Presidente. Kaya nga hindi malayo na magkaisa ‘yung ilan sa kanila diyan sa CPP-NPA na patalsikin si Presidente Duterte. Pero ‘yan po ay panaginip. Dahil ang Presidente po, unang-una ay nanalo po ‘yan na walang daya. Marami nga nagsasabi baka mas marami pang boto pero wala pong kaduda-duda ang mandato na binigay kay Pangulong Duterte. At nasa Biblia po ‘yan, kailangan respetuhin ‘yung mga pinili ng taumbayan,” ani Roque.

Sinabi pa ng tagapagsalita na sa kabila ng mga birada ng ilang pari, magpapatuloy ang dayalogo ng four-man panel sa Simbahan at sa ilan pang religious organizations.

Ipaparating aniya nito kay Pangulong Duterte ang mga napag-usapan nila ni Papal Nuncio Archbishop Gabriele Giordano noong Biyernes sa selebrasyon ng Papal Day.

Sinabi naman ni Special Assistant to the President Bong Go na itinakda na sa susunod na linggo ang one-on-one dialogue nina Pangulong Duterte at Catholic Bishop of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles matapos itong igiit ng mga opisyal ng Simbahan. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?