923

Dec 14, 2017 @ 14:25
By

‘Silent killer’ na altapresyon, ingatan ngayong Pasko

Panahon ng Kapaskuhan kaya iba’t ibang pagkain ang makikita sa hapagkainan at matitikman ng bawat isa. Subalit sa bawat sarap na ito at sa dami ng mga nakakain ay dapat ding mag-ingat sa tinatawag na ‘silent killer’.

Ito ay ang mataas na presyon ng dugo o altapresyon. Ang mataas na presyon ng dugo ay madalas na tinatawag na ‘silent killer’ dahil maraming tao ang mayroon nito subalit hindi nila alam.

Simpleng sakit na hindi iniinda na natutuloy sa matinding sakit. Ito ang nakakatakot kaya naman payo ng mga doktor na mag-ingat at bantayan ang mga pagkain na kakainin at hindi maaari na kain lang nang kain at sa bandang huli ay pagsisisi ang mangyayari.

Alam n’yo bang ang mataas na presyon ng dugo ay maaaring magdulot ng mga nakamamatay na sakit gaya ng sakit sa bato, atake at pagkasira ng puso at pagkabulag.

Sinuman ay maaaring magkaroon ng mataas na presyon ng dugo. Maging bata man o matanda ay nagkakasakit nito.

Maraming tao ang mayroong mataas na presyon ng dugo na hindi nakararamdam ng sakit sa unang pagkakataon. Ang tanging paraan upang makatiyak ay magpakuha ng presyon ng dugo sa iyong doktor o sa iba pang propesyonal sa kalusugan.

Ang presyon ng iyong dugo ay umaakyat at bumababa sa maghapon, depende kung ano ang iyong ginagawa. Ang maikling pagtaas ng presyon ng dugo ay pangkaraniwan, subalit ang pananatili ng mataas na presyon ng dugo, ay mapanganib sa iyo. Masasabing normal ang 120/80 pero depende pa rin sa pangangatawan ng isang tao.

Kung ang iyong presyon ng dugo ay madalas na higit sa 140/90, ikaw ay maaaring mangailangan ng kagamutan.

Mayroong mga gamot na maaaring inumin ng tao araw-araw upang ikontrol ang kanilang mataas na presyon ng dugo. Ang iyong doktor lamang ang makapagsasabi kung ikaw ay kailangang uminom ng gamot.

Mayroong ilang mga babae na nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo kapag sila ay buntis. Kapag ang buntis na babae ay nagkaroon ng mataas na presyon ng dugo, ito ay tinatawag na preeclampsia o toxemia.

Makokontrol ang mataas na presyon ng dugo kapag uminom ng gamot bilang maintenance na rin, mag-ehersisyo, iwasan ang pagkain ng maaalat, magbawas ng timbang o panatilihin ang timbang sa malusog na antas, iwasan ang bisyo at magpa-check up kung maaari. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?