101

By ,

Sila ulit! Ateneo kampeon ng UAAP Season 81

HINDI umubra ang “Kami Naman” mantra ng UST Golden Tigresses, pinaamo ng Ateneo Lady Eagles sa tatlong sets para kubrahin ng Katipunan-based squad ang korona ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament sa pamamagitan ng 25-17, 25-22, 25-22 panalo sa Game 3 ng best-of-three Finals sa Mall of Asia Arena.

Sa harap ng higit 20,000 fans, pinamalas ng Ateneo ang kakaibang angas nang kontrolin agad ang first set at limitahan ang mga tigre 25-17.

Mas lalo pang tumaas ang kumpiyansa ng Lady Eagles pagpasok ng second set kung saan nagawa nilang manakaw ang laro sa UST sa pagposte ng 3-0 run, 17-16 bago muling umalagwa at kunin nang tuluyan ang second set sa crossing violation ni Sisi Rondina.

Naging dominante ang tropa pagpasok ng third nang irehistro nito ang 16-9 na bentahe sa pagsasabwatan nina Kat Tolentino at Bea de Leon bago naibaba ito sa 20-19 sa back-to-back hit ni Eya Laure.

May pagkakataon sana ang UST na maipwersa pa sa isang set ang laro sa muling pagputok ni ‘Cherry Bomb’ Sisi Rondina at naitabla sa 22-22 pero utak ang ginamit ng Lady Eagles sa magkasunod na drop ni Maddie Madayag 24-22 bago tapusin ng off the block kill ni Jules Samonte ang laro.

Nanguna para sa Lady Eagles si Tolentino na humambalos ng 15 points, sa likod ng 11 kills, at si Madayag na may 10 markers sa kanyang pangalan.

“It’s not how you start, it’s how you end it. We lost the first match of the season, many people counted us out. Bobo raw outside hitters namin, wala kaming receive, wala kaming defense but we made it. It’s because of our faith and because of our courage,” sabi ni coach Oliver Almadro sa post-game interview.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?