30

Jun 19, 2020 @ 21:54

Sikyo nilibing sa bakuran ang nakaalitan

Matapos ang mahigit tatlong linggong paghahanap, bangkay na nang matagpuan Huwebes ng hapon ang babaeng miyembro ng Bantay Palawan Taskforce (BPT) nang ilibing ito ng nakaalitang security guard sa Aborlan, Palawan.

Sa salaysay ng saksi na kamag-anak ng suspek na si Nestor Milo Lacap, 49, pinatay nito at nilibing sa kanilang compound sa Brgy. Ramon Magsaysay ang biktimang si Rhodora Dioso, 45, may asawa trainee bilang isang BPT.

Napagalaman na noong Mayo 25 ng huling makita si Dioso sa Brgy. Gogonan. Humingi na ng tulong ang mga kaanak ng biktima sa Aborlan Municipal Police at mga opisyal ng barangay upang mahanap ito subalit bigo silang makita ang babae.

Nakonsensya umano ang saksi kaya siniwalat sa pulisya ang krimen noong Hunyo 17. Pinuntahan ng mga awtoridad ang compound ng suspek kasama ang saksi na nagturo kung saang parte nilibing ang biktima. Dito tumambad ang bangkay ni Dioso.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito dahil sa ginawang pagpatay at paglibing sa babaeng biktima. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?