427

Apr 9, 2018 @ 11:18
By

Sikreto ni June Mar binuking ni coach Leo

Bago ang Game 5 ng PBA Philippine Cup Finals, nakita ni San Miguel Beer coach Leo Austria ang senyales kay June Mar Fajardo na ayaw nang pahabain pa ng big man ang series.

Dati pa raw, tinatanong na ni Austria ang four-time MVP at six-time Best Player of the Conference awardee kung mananalo sila.

Sasagot ang 6-foot-10 slot man, “Coach, mananalo tayo.”

Seryoso, walang pag-aalinlangan sa kanyang mukha.

“You can see it from his facial expression,” ani Austria.

Maaga pa lang, alam na ng coach na desidido ang kanyang higanteng huwag nang paabutin ng Game 6 ang serye.

“He’s here (MOA Arena) earlier than everybody to have a shoot-around,” pagbubuko ni Austria. “And that’s a sign na he wants to finish this game (series).”

Binak-apan ni Fajardo ang sinabi sa matikas na larong 42 points, 20 rebounds para ihatid ang team sa 108-99 double-overtime win at itagay ang pang-apat na sunod na all-Filipino crown.

Nagkamada siya ng 14 sa fourth period nang umahon ang Beermen mula 23-point hole. Sa first OT ay may apat na puntos si Fajardo bago nagsalansan ng walo sa second extra period.

“Pagod na rin kami eh, kailangan nang tapusin,” diin ni Fajardo matapos tanggapin ang kanyang isa pang award, ang Finals MVP mula sa PBA Press Corps.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?