104
magdalo-gary-alejano
Oct 23, 2017 @ 15:09

Sikmura na ang napapabayaan

Dahil labis-labis ang atensyong itinutuon ng kasalukuyang administrasyon sa giyera kontra-droga, maraming ibang napakahalaga ring mga isyu ang hindi na na bibigyan ng kaukulang pansin.

Nitong Setyembre, pumalo sa 3.4% ang inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko mula sa 3.1% noong Agosto. Noong Setyembre 2016, 2.3% lang ang inflation rate. Ibig sabihin, pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin, ngunit tila walang ginagawa ang gobyerno para makontrol ito.

Ang pangunahing tinatamaan kapag tumataas ang presyo ng mga bilihin ay ang mga ordinaryong Pilipino. Tumataas ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Kung patuloy ang ganitong paggalaw ng presyolubhang mas magiging mahirap pa ang buhay ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Sa halip na mabuting pagbabago ang matamasa, tila ba ang ipinangakong “change is coming” ay lalo pang pinapalala ang mahirap nang kalagayan ng mga Pilipino.

Hindi natin masisisi ang ilang mga Pilipino na magsawa na nang ganito kaaga sa pamamahala ni Presidente Duterte. Nagtatanong ang mga tao: nasaan na ang pangakong pagbabago at pagganda ng aming buhay?

Ang pagbagsak ng satisfaction rating ni Duterte sa survey ng SWS ay maaaring indikasyon ng pagkadismaya ng mga tao sa mga nangyayari sa kasulukuyang administrasyon partikular na ang mga polisiyang isinusulong nito. Marami na ang tumututol sa mga nangyayaring patayan kaugnay ng giyera kontra-droga, lalo na at pawang mga “small time” at mahihirap ang napapatay habang ang mga nagpapapasok ng P6.4 billion na shabu ay hinahayaang makalusot.

Sa tuwing nagsasalita ang Pangulo, wala na po siyang ibang bukambibig kundi giyera kontra-droga. Kung hindi man, ang lumalabas sa kanya ay pawing pagbabanta laban sa mga kritiko at mga institusyong pumupuna sa kanyang mga polisiya at mga haka-hakang destabilisasyon na hindi maliwanag kung ano ang basehan.

Wala tayong naririnig tungkol sa mga isyung may direktang epekto sa lahat, lalo na nga itong isyu ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaakibat nito ay ang problema ng bawat pamilyang Pilipino kung paano pagkakasyahin ang kanilang kakarampot na kita para makakain sila ng maayos tatlong beses isang araw.

Wala pa rin tayong nakikitang pagbabago o di kaya ay naririnig man lang na diskusyon sa kung papaano reresolbahin ang problema sa trapiko. Wala tayong naririnig sa kanya hinggil sa halos araw-araw na pagkasira ng MRT. Ang bawat talumpati ng Pangulo ay paulit-ulit na lang na giyera kontra-droga ang nilalaman.

Batid nating mahalaga na masugpo ang paglaganap ng illegal na droga, subalit hindi rin naman maituturing na maliit na bagay ang mga isyung aking nabanggit. Araw-araw itong nararanasan ng mga mamamayan, ngunit nanatiling tahimik dito si Presidente Duterte gayung ipinangako niya na aayusin niya ang mga problemang ito sa lalong medaling panahon.

Dapat nang magising ang Pangulo sa katotohanan na hindi lang droga ang problema ng bansa. Ang mga mahahalaga at malalaking problema na malapit sa sikmura ng mamamayan ay kinakailangan ding pagtuunan ng pansin ng Pangulo. Sa bawat araw, buwan at taon na ang mga ito ay hindi napapansin, mas lalo pang hihirap ang kalagayan ng mga Pilipino.

****************

Makipagtalakayan kasama ko sa:
Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com
FB: /Rep.AlejanoMagdalo
Twitter: @AlejanoGary

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?