267

Sikat na buffet resto sa San Juan, ipasasara sa kasong food poisoning

Sharing is caring!

Isang linggong isasara ang sikat na buffet restaurant matapos ma-food poisoning ang may lima katao na kumain sa Chef Laudico Guevarra’s sa P. Guevarra St., corner Argonne St., Addition Hills, San Juan City.

Kaugnay nito, agad na ipinag-utos ni San Juan City Mayor Guia Gomez na ipasara ang naturang sikat na buffet restaurant matapos ang natanggap na report na mayroong isang pamilya o nasa limang katao ang nagkasakit o nalason matapos maghapunan sa kilalang resto na pag-aari ng sikat na chef na si Roland Laudico.

Ayon kay Business Permit and Licensing Office (BPLO) head, Atty. Dominic Garcia, matapos makatanggap ng food poisoning report ang city hall ay agad inutos ni Mayor Gomez na imbestigahan ang naturang restaurant at isailalim sa matinding food and facility inspection.

Una nang isinabak sa food handling reorientation ang mga staff at crew ng naturang restaurant kasabay nito ang pag-inspeksyon sa facility at drainage na kung saan ay isasailalim sa imbestigasyon kung may e-coli bacteria sa mga gamit nito.

Kailangan umanong isailalim sa matinding pagsisiyasat sa loob at labas ng naturang sikat na restaurant para masigurong ligtas na ito matapos ang isang linggong pagpapasara.

Matatandaang isang pamilya ang kumain sa sikat na buffet restaurant noong August 19 subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay lahat sila ay nagkasakit, kabilang na ang pagsusuka, pagtatae at sakit na cholera na kung saan ay tinamaan ang kanilang kidney.

Wala naman umanong mapagsumbungan si Karessa Mae Bulay Limpot kaya idinaan niya sa pag-post sa kanyang Facebook page na kung saan ay umani ng kaliwa’t kanang batikos dahil nang siya ay nakipag-ugnayan sa Guevarra’s ay tila hindi siya pinansin at sinabing “false assurances’ lamang ito.

Ayon kay Limpot, lima silang naghapunan sa Guevarra’s buffet at halos lahat sila ay naospital.

Nabatid na dalawang beses na-dialysis ang kanyang ama hanggang sa dalhin na sa progressive care unit noong Agosto 23 habang bumigay din ang kidney ng kanyang kapatid matapos nilang kumain sa sikat na restaurant.

Matapos magpatingin sa St. Lukes Medical Center, sinabi ng kanilang doctor na ang kidney failure ay dahil sa severe dehydration to acute gastroenteritis at halos lahat sila ay nagpositibo sa vibrio cholera.

Tinitiyak naman ni Mayor Gomez hindi bubuksan ang Guevarra’s Restaurant kapag hindi ito nakapasa sa kanilang City Health Office dahil kaligtasan umano ng mga customer ang kanilang tinitignan at hindi ang kita na maibibigay ng establisimento sa kanilang siyudad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?