60

Dec 1, 2017 @ 16:42
By

Showdown ng Senado at Kamara sa tax reform bill, umpisa na

Nagsimula na ang harapan ng Senado at Kamara kaugnay ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o tax reform bill.

Nagpupulong ngayon sa bicameral conference committee ang contingent ng Senado na pinangungunahan ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate ways and means committee at ang congtingent ng Kamara na pinamumunuan ni Quirino Cong. Dakila Cua, chairman ng House ways and means committee.

Closed-door ang pagpupulong sa Recto Room ng Senado.

Ayon kay Angara, tiyak ang mahaba at matinding debate dahil sa malaking pagkakaiba ng magkahiwalay na bersiyon ng Senado at ng Kamara.

Nagkakaiba ang inendorso nilang pagtataas ng buwis sa petrolyo, inuming may asukal at sasakyan.

Inendorso sa bersiyon ng senado pero wala sa bersyon ng Kamara ang pagdodoble ng buwis sa mining firms at ang 3,000 porsyentong dagdag sa buwis ng coal o uling.

Sinabi ni Angara na paninindigan nila ang bersiyong inaprubahan ng Senado pero bukas din sila sa kompromiso dahil minamadali ang panukala.

Kumpiyansa rin ang senador na magkakasundo sila at maiiwasan ang deadlock.

Hanggang Disyembre 13 lamang ang sesyon ng Konggreso kung kaya kailangan nilang magkasundo hanggang sa susunod na linggo.

Sa pulong ngayon na posible umanong abutin ng gabi, pagtutuunan muna ang hindi gaanong kritikal upang may hindi magtagal ang debate.

Sa bukod na panayam, sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez na hindi kailangan ang TRAIN kung napagtitino lang ang pagkulekta ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureao of Customs (BOC).

Balewala aniya ang lilikhain na bagong buwis at itataas na buwis kung hindi rin naman makokolekta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?