267

Dec 13, 2017 @ 18:50
By

Shootout sa Payatas: Karnaper bumulagta, pulis at 2 bata sugatan

Patay ang isang hinihinalang miyembro ng carnapping at gun-for-hire syndicate habang sugatan naman ang isang pulis at dalawang bata na tinamaan ng stray bullets sa naganap na shootout sa Brgy. Payatas, Quezon City nitong Martes ng gabi.

Sa inisyal na report kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang napatay na suspek ay nakilala lamang sa pangalang Marlon, nasa edad 25 pataas at may taas na 5’7”.

Siya ay namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center sanhi ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.

Nakatakas naman ang tatlo pang suspek sa kasagsagan ng engkuwentro at pinaniniwalaang isa sa kanila ay sugatan.

Samantala, sugatan din sa insidente ang pulis na si PO1 Jaypee Gonzales, nakatalaga sa QCPD Batasan Police Station 6, nang mabaril ng mga suspek sa kanang binti na ginagamot sa PNP General Hospital.

Dalawang bata rin na nakilalang sina Ian Marco Pelayo, 6-anyos, Grade 1 pupil, at Jerabel Gaad, 10, Grade 4, kapwa residente ng Empire St., Brgy. Payatas B, QC, ang nasugatan matapos tamaan ng stray bullets sa balikat at binti.

Batay sa ulat ng Batasan Police Station (PS-6), dakong alas-7:25 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa Empire Hilltop St., kanto ng Lower Empire St.

Ayon kay Eleazar, nagsasagawa ng casing at surveillance sa naturang lugar ang kanyang mga tauhan kabilang ang nasugatan na si PO1 Gonzales laban sa naturang sindikato.

Nagulantang ang mga pulis nang biglang dumating ang apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo at binaril si PO1 Gonzales na tinamaan sa binti.

Nagtakbuhan naman ang mga batang naglalaro sa lugar nang makita ang nagbabarilan ngunit nadaplisan ng ligaw na bala ang dalawang nabanggit na bata.

Kahit sugatan, hindi naman pinanghinaan ng loob si PO1 Gonzales, at kuhang-kuha sa CCTV footage kung paano ito gumanti ng putok sa mga suspek, na tinamaan si Marlon at duguang bumulagta. Nang makita ng mga kasamahang suspek ang nangyari sa kanilang kasamahan ay mabilis ang mga itong nagsitakas.

Nasamsam sa crime scene ang isang kalibre .45 pistola na may anim na live ammunition, isang kalibre .9mm na may dalawang bala, at isang Kawasaki motorcycle na may plakang 902-5XA, na siyang sinakyan ni Marlon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?