226

Nov 4, 2017 @ 17:40

Shellfish sa Masbate, ligtas nang kainin — BFAR

Idineklarang ligtas nang kainin ang mga shellfish sa karagatan ng Milagros, Masbate matapos makumpirmang negatibo na ang mga ito sa ‘red tide’ toxin, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ngunit nilinaw din ng BFAR na hindi pa rin ligtas kainin ang mga shellfish sa ilang karagatan tulad ng Irong Bay, Maqueda Bay, Villareal at Coastal Water sa Daram Island sa Western Samar; Carigay Bay sa Leyte; Inner Malampaya; Puerto Princesa City sa Palawan at Coastal Waters sa Mandaon sa Masbate.

Ang mga nabatid na karagatan ay positibo pa rin sa ‘paralytic shellfish poison’ kung kaya’t ipinagbabawal pa rin ang pagkain ng lahat ng uri ng shellfish, lalo na ang alamang, na galing sa mga lugar na ito.

Matatandaang nagpositibo sa ‘paralytic shellfish’ at ‘red tide’ toxin ang ilang karagatan sa bansa nitong Hulyo.

Ang pagkain ng mga ito na positibo sa lason ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng lagnat, rashes, pagkahilo, at pamamanhid ng buong katawan. Mas malalang kaso ang respiratory arrest sa loob ng 24-oras.

Dagdag ng BFAR, maaaring kainin ang mga pusit, isda, hipon at alimango na galing sa naturang karagatan ngunit tanggalan ng hasang, hugasan at lutuin lamang ito nang mabuti. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?