80

Jan 18, 2018 @ 19:15
By

Shabu pusher, patay, 26 nadakip sa drug war sa Central Luzon

Napatay ang isang pusher ng shabu habang 26 na iba pa na sangkot sa iligal na droga ang nadakip at umabot sa 104 pakete ng shabu ang nakumpiska makaraang magsagawa ng serye ng anti-illegal drug operation ang kapulisan sa Gitnang Luzon, kamakalawa.

Base sa police report ni Police Chief Supt. Amador Corpus, regional director ng Police Regional Office-3 (PRO-3), nagsagawa ng operasyon laban sa iligal na droga ang kapulisan sa rehiyon partikular sa Bulacan, Tarlac, Pampanga, Bataan at Zambales na nagresulta sa pagkakapatay sa isang suspek sa droga at pagkakadakip sa 26 iba pa.

Sa Bulacan, nakilala ang napatay na tulak na si Edwin Espinosa, nang manlaban sa pulisya ng Bocaue sa buy-bust operation habang walong iba pa ang naaresto na nakilalang sina Maylene Torres, Myra Ibay, Jerry Campusano, at Marvin Quejada, pawang residente ng San Jose del Monte City; Agel Salimbagat alyas ‘Ambo’, at dalawang kasamang menor-de-edad, pawang nakatira sa Plaridel, Bulacan.

Sa Tarlac, nasakote rin sina Allan Molina, Jerome David, Jay-Ar Helbulario, at Roberto Miranda, pawang mga taga-Tarlac City; Ronaldo de Guzman ng Bambam; Lino Tullao ng Capaz; Rolando Aguas ng Concepcion; Glory Galindo ng Camiling, at Jomar Aruca ng Paniqui.

Nasakote rin ang kapangalan ng aktor na si Christopher de Leon, ng Sasmuan; Carlito Canlas, Jr., at Marvin Datu, kapwa ng Mabalacat City, at Nino Cortez, ng Angeles City, pawang sa Pampanga habang nadakip din sina Karen Gay Santiago, at Ariel Bautista, kapwa ng Balanga City, Bataan; Nenita Galero, at Romeo Aguilar, ng Nueva Ecija, at Salvador Jardin, ng Subic, Zambales.

Ang mga nadakip ay pawang nakadetine ngayon at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (selling) at Section 11 (possession) ng RA 9165 habang higit pang paiigtingin ng kapulisan sa rehiyon ang kanilang kampanya laban sa droga. (Jun Borlongan)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?