57

By

Shabu ipinalaman sa tinapay

Buking ang isang dadalaw sana sa kaniyang kaibigan makaraang madiskubreng ipupuslit sa loob ng piitan ang tinapay na may palamang shabu sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen Ronnie Montejo. ang suspek na si Pedro Pacatang Jr., 47, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng Mandaluyong City.

Batay sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7), na pinamumunuan ni Officer-In-Charge PMaj. Fortunato Ecle Jr., dakong alas-9:30 ng gabi (December 13) nang maaresto si Pacatang sa loob mismo ng naturang presinto.

Bago ang pag-aresto ay nagpaalam umano ang suspek na dadalawin ang kanyang kaibigan at kapwa miyembro ng Sputnik Gang na si Jhon Jhon Umale na nakapiit sa PS-7 dahil sa kasong illegal gambling.

Gayunman, sa routine inspection, nakadiskubre ang duty jailer ng dalawang pakete ng shabu at isang aluminum foil, na ipinalaman ng suspek sa dalang tinapay, kaya’t agad na siyang inaresto.

Nakapiit na rin ang suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?