45

Dec 22, 2017 @ 15:36
By

Shabu ang pantaya, 3 sugarol timbog sa Pasig

Arestado ang tatlong sugarol na adik pa matapos malambat sa isinagawang anti-criminality operations sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang tatlo na sina Alex Cruz y Nicanor; Aquilino Gatmaitan Jr. y Bartolome at Oliver Javier Jr. y Dela Cruz, nasa hustong gulang at pawang mga residente ng Barangay Pinagbuhatan.

Batay sa report, nagsagawa ng anti-criminality operations ang Pasig police na kung saan ay namataan ang tatlo na naglalaro ng cara y cruz bandang alas-dos ng madaling-araw sa kahabaan ng Rodrigo St., sakop ng Barangay Pinagbuhatan.

Nang sitahin ng pulisya ay isa-isa nang tumakbo ang mga suspek hanggang sa makorner at nang kapkapan ay nakumpiska ang tatlong piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Nabatid na tayaan sa cara y cruz ay shabu ang kapalit.

Ayon naman sa ilang kapitbahay, mga pasaway talaga sa kanilang barangay ang tatlong suspek na sinasabi nilang mga ‘sugarol na adik pa’ dahil hindi lang cara y cruz ang nilalaro kundi may baraha pa at nagsasabong pa na ang kapalit ay droga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 at RA 9165 o Illegal Gambling Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act ang tatlong suspek na kasalukuyang nakakulong sa Pasig detention cell.

Samantala, dalawa katao rin ang naaresto sa cara y cruz sa Barangay Manggahan, Pasig City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga ito na sina Rodney Michel Mendoza y Pineda at Oliver Aro y Generoso na kapwa nakakulong na sa naturang kulungan at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?