52

Jun 15, 2021 @ 15:34

Sey mo, Mayweather? Pacquiao: Lalaban na lang din ako, sa undefeated na!

Sa kabila ng kanyang edad na 42, nais pa rin ni Senador Manny Pacquiao na mga de kalidad na boksingero ang kanyang makaharap sa ring.

Sa panayam kay Pacquiao sa PlayitRight TV, sinabi ng ‘Pambansang Kamao’ na gusto niyang masubok ang kanyang sarili kung buhay pa ba ang bangis ng kanyang suntok.

“Naisip ko lalaban din naman ako, doon na sa tough opponent like Errol Spence na undefeated,” ayon kay PacMan.

“(Gusto ko) masubukan kung nandyan pa ba ‘yung Manny Pacquiao o hindi,” aniya pa.

Nakatakdang bumalik sa ring si Spence sa Agosto matapos ang dalawang taong pagpahinga sa boksing.

Ayon kay Pacquiao, bagama’t busy rin siya bilang mambabatas ay nasisiguro niyang nakakapag-ensayo siya para sa parating na laban sa pamamagitan ng disiplina at time management.

Sa General Santos City mag-eensayo si Pacquiao, lilipad patungong Los Angeles sa July at itutuloy ang training kasama si Freddie Roach at Justin Fortune.

Ayon sa ‘Pambansang Kamao’, kahit alam niyang may advantage si Spence laban sa kanya dahil sa liksi at batang pangangatawan nito ay kumpiyansa siyang kayang sumabay sa Amerikano.

Lahad pa ni PacMan, nakahanda na ang kanyang mga ‘masamang binabalak’ sa undefeated boxer.

“Mostly mga left handed na nakakalaban ko, hindi ako masyadong nahihirapan,” dagdag pa ni PacMan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?