61

Apr 21, 2020 @ 16:03
By

Sexual harassment talamak ngayong lockdown – CHR

Kinundena ng Commission on Human Rights ang paparaming kaso ng karahasan online laban sa kababaihan sa panahon ng enhanced community quarantine kontra COVID-19.

Sa pahayag ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia ngayong Martes, nakatanggap sila ng mga ulat na lumalaganap ang peer-to-peer online cyber violence sa iba’t ibang social media platform.

Partikular sa Facebook, may mga private group kung saan nagpo-post ang mga miyembro ng larawan at video ng malalaswang aktibidad, kahit ‘di alam o ‘di pumayag ang mga biktima.

Malamang, ayon sa CHR, ay ex-partner nitong mga babae ang suspek sa pag-post nitong mga larawan at video.

“Just because sexual harassment happened in virtual space does not make it any less real and damaging,” wika ni de Guia.

Pinansiyal na pasanin aniya ang dulot nitong online sexual harassment sa mga biktima dahil sa legal fees at online protection services.

Bukod dito, magdudulot din aniya ito ng balakid sa kanilang paglalahad ng istorya, dahil sa posibleng pamamahiya at panlilibak sa kanila online,

May tatlong batas ang Pilipinas upang proteksiyunan ang mga bulnerableng sektor, kabilang ang kababaihan at kabataan, mula sa alinmang porma ng sexual harassment at iba pang abuso. Ito’y ang Safe Spaces Act, Cybercrime Prevention Act at Magna Carta of Women.

Gayunman, aminado si De Guia na kulang sa kapasidad ang mga awtoridad upang mapanagot ang mga nagkasala sa cyber violence.

“But based on Philippine experience, law enforcement agencies and the courts are failing to take appropriate actions for cyber VAWG (violence against women and girls) due to lack of capacity and infrastructure to go after perpetrators given the digital nature of evidence,” sambit pa ng tagapagsalita.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?