843
Sex video panakot ng ex kapalit ang P50K
By

Sex video panakot ng ex kapalit ang P50K

Inaresto ng San Juan City Police ang dalawang lalaki matapos na mangikil sa isang kolehiyala na ilalabas sa social media ang kanilang sex video kapag hindi nagbigay ng pera.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Chief, PCSupt. Bernabe Balba, nakilala ang mga suspek na sina Joseph Roque, 24-anyos, sound engineer at residente ng Abad Santos, Novaliches, Quezon City at John Paul Salaño, 25-anyos ng 47 Milagrosa St., Talipapa, Novaliches, Quezon City.

Ayon kay PSSupt. Ariel Fulo, hepe ng San Juan Police, unang inaresto si Roque ng warrant and subpoena section/follow-up Unit sa ikinasang entrapment operation sa harap ng Salapan Elementary School sa San Juan habang naaresto naman si Salaño sa loob ng Greenhills Shopping Center bandang alas-3:30 ng hapon.

Nakilala ang biktima na itinatago sa pangalang ‘Joy’, 18-anyos, 1st year student ng University in Manila at residente ng San Juan City.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Eric Buted, sinabi ng biktima na nagsimula ang pangha-harrass at pananakot ng mga suspek sa kanya noong Pebrero 16 at sinabing ipo-post umano sa social media, lalo na sa Facebook (FB) ang sex video nila ng kanyang dating nobyo na si Salaño.

Hinihingan umano ang biktima ng P50,000 noong Pebrero 19 kapalit na hindi nilalabas sa FB ang sex video at nakipagtawaran pa si Joy hanggang sa umabot na lamang ng P25,000.

Nagkasundo ang biktima at si Roque na magkikita sa harapan ng Salapan Elementary School para ibigay ang pera at doon na isinagawa ang entrapment operation.

Agad na inaresto si Roque at agad naman nakipag-usap ito kay Salaño at sinabing P25,000 lamang ang ibinigay ng biktima na naging dahilan para makipag kita si Salaño sa biktima na noon din ay ikinasa ang entrapment operation sa loob ng Greenhills mall.

Nakuha mula sa mga suspek ang cellphone na naglalaman ng umanoy sex videos.

Nabatid na nagkakilala sina Salaño at ang biktima sa isang dating apps at nagkaroon ng relasyon hanggang sa napunta sa pakikipagtalik at nang nasa loob na umano sila ng isang apartelle ay hindi alam ng biktima na nire-record pala ng suspek ang kanilang pagtatalik.

Kapwa nakakulong sa San Juan City Police Custodial facility ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong robbery-extortion at anti-voyeurism act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?