48
spy-on-the-job-rey-marfil

Sex at droga

Sharing is caring!

By Rey Marfil

Matapos ang mata­gumpay na operasyon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang umano’y “orgy party” ng mga lalaki o beki na gumagamit din daw ng iligal na droga, aba’y ka­takot-takot na puna naman ang inabot ng ahensiya dahil sa pagsisiwalat nila na isa sa mga nasakote nila eh mayroon umanong human immunodeficiency virus o HIV.

Sa ilalim kasi ng Republic Act 8504, o Phi­lippine AIDS Prevention and Control Act of 1998, nakasaad na dapat hindi mabulgar at dapat na mapangalagaan ang katauhan ng taong nagtataglay ng nakahahawa at nakamamatay na sakit. Maliban na lang siyempre kung may pahintulot mismo ng “carrier” o ng pasyente na maipaalam ang kaniyang pagkakakilanlan.

Ginawa ito para maprotektahan ang HIV o AIDS carrier laban sa mga posibleng panlalait o diskriminasyon. Marami pa rin kasi sa mga kababayan natin ang may maling akala na basta na lang naipapasa ang sakit sa pamamagitan ng bahing, dikitan ng pawis sa balat, o paggamit ng mga gamit nila gaya ng kutsara.

Ang totoo, maaari lang maipasa ang killer virus sa pamamagitan ng sex, pagsasalin ng dugo, paggamit ng karayom, hiringgilya, o iba pang matulis na bagay na itinusok sa may HIV at itutusok naman sa ibang tao.

Pero sa totoo lang, hindi rin naman natin masisisi nang bonggang-bongga ang PDEA kung nabanggit nila na isa sa mga nadakip sa naturang umano’y “orgy party” ay may HIV. Hindi na kasi biro ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na HIV carrier, na halos karamihan ay mga beki dahil sa kanilang M2M o man to man na pagtatalik.

Ayon sa PDEA, nahulihan ang 11 lalaki na edad 20 ang pinakabata at 38 ang pinakamatanda, ng shabu, ecstasy, at gamma butyrolactone (GBL) o liquid ecstasy, na sinasabing party drug.

Ang mga makagagamit daw ng drogang ito eh solve na solve sa kamunduhan. Nang dumating ang PDEA agents sa kuwarto ng mga suspek, aba’y mga naka-brief na lang sila.

Dahil sa kagustuhan marahil ng PDEA na mabigyan ng babala ang publiko, lalo na ang mga mahihilig sa ganitong paraan ng pagpapasarap na kombinasyon ng droga at sex, nabanggit nila na isa sa mga nahuli eh may HIV.

Aba’y biruin mo nga naman kung walang proteksyon ang mga ito sa kanilang gagawing M2M, puwedeng mahawahan ang isa o dalawa o ang sampu. At kapag umariba na naman sila sa katulad na “orgy party” sa ibang grupo naman, aba’y pasa-pasa na naman ang mangyayari.

Kung susuriin ang edad ng mga nasakote ng PDEA (walo ang nasa edad na 25 hanggang 34) swak ang edad nila sa datos ng Department of Health sa edad ng mga lalaki na may pinakamataas na bilang ng HIV na umaabot sa 95 porsiyento.

Mantakin niyo, mula July hanggang August ngayong taon, umabot sa 1,962 ang bagong mga kaso ng HIV, o katumbas daw ng 31 kaso bawat araw. At dahil marami na rin ang menor de edad na tinatamaan ng virus, isinusulong na rin sa Kongreso ang panukala na amyendahan ang batas tungkol sa pagpapa-HIV test ng mga menor de edad.

Sa kasalukuyan ka­sing batas, dapat may pahintulot ng magulang bago makapagpa-test ang menor de edad. Pero dahil marami sa mga menor de edad ay itinatago sa pamilya ang kanilang kalaga­yan, hindi sila makapagpa-HIV test kahit gusto nila dahil sa kawalan ng parental consent.

Iyon nga lang, sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan at ng mga NGO na humanap ng paraan para mapigilan ang pagkalat ng HIV, may mga pasaway naman na walang ingat at walang pakialam kung makahawa basta malasap nila ang inaasam na sarap.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?