49
ABANTE-TNT-Sereno,-Umali-nagbatian-sa-anibersaryo-ng-JBC
Dec 10, 2017 @ 15:15

Sereno, Umali nagbatian sa anibersaryo ng JBC

Sa bihirang pagkakataon, nagkita sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Oriental Mindoro Representative Reynaldo Umali, namumuno ng House Justice Committee na dumidinig sa impeachment proceedings laban sa punong mahistrado.

Ang dalawang opisyal ay kapwa dumalo sa ika-30 anibersaryo ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay noong Biyernes ng hapon.

Sa nasabing okasyon, nagpansinan naman ang dalawa nang lapitan mismo ni Umali ang mesa kung saan nakapuwesto si Sereno kasama sina dating Chief Justices Hilario Davide Jr. at Artemio Panganiban.

Nagkaroon pa ng pagkakataon na binati ni Umali si Sereno nang “hi.”

Si Umali ay umupong kinatawan ng Kongreso sa JBC kung saan si Sereno ang tumatayong ex-officio chairman.

Matatandaan na mismong si Umali ang nagigiit na dumalo si Sereno sa impeachment proceedings sa House Justice Committee para personal niyang sagutin ang mga paratang laban sa kanya.

Samantala, sa kanyang talumpati, tinukoy ni Sereno na mahalagang ang mapipili ng JBC na mga kandidato para sa mga posisyon sa hudikatura ay iyong mga walang takot at hindi patitinag sa pagtalima sa “rule of law.”

“It is critical that with wisdom we decide on who will be recommended to the president, those who are loyal to the law and will remain independent to the end. We must choose those who will fight with idealism for justice and carry its fight with dignity,” saad ni Sereno.

Hinimok pa niya ang JBC na ipagpatuloy ang pagbabantay sa pagiging independyente ng hudikatura na siyang pangunahing mandato ng konseho sa ilalim ng Konstitusyon.

“We need people who are unafraid except violating their conscience and of disobeying God, Who will not be swayed by anything but the rule of law, and it begins with our job in the JBC,” dagdag ni Sereno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?