50

Dec 15, 2017 @ 16:40
By

Sereno sa SC off’ls: Maging mensahero ng reporma sa hudikatura

Sa gitna ng kinakaharap na hamon, pansamantalang nakisaya si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mga kawani at opisyal ng hudikatura sa kanilang pagtitipon ngayong araw na ito sa Korte Suprema.

Ngayong araw na ito ang Christmas Party ng Korte Suprema kung saan sa bihirang pagkakataon ay nagpaunlak ng sayaw ang punong mahistrado sa saliw ng tugtuging “Tie A Yellow Ribbon”.

Sa kanyang mensahe sa mga kawani at opisyal ng Korte Suprema, nanawagan si Sereno na sila ay maging mensahero ng mga reporma sa hudikatura.

“Ikuwento niyo sa taumbayan so that they can be proud of our judiciary,” saad ni Sereno.

Kasabay nito, sinabi ng punong mahistrado na umaasa siyang makakasabay din sa pagbabago ang iba pang miyembro ng justice system sa bansa kabilang na ang mga piskal, mga defense lawyer at Integrated Bar of the Philippines.

At bagama’t nahaharap sa impeachment proceedings, tinukoy ni Sereno na umaasa siyang magiging maganda muli ang susunod na taon para sa hudikatura.

“We should always be thankful and happy. Are we thankful and happy? Then let’s say, thank you Lord! Praise the Lord!,” ang magiliw na paglalahad ni Sereno.

Pinuri rin ni Sereno ang kanyang mga kapwa mahistrado na sina Associate Justices Mariano Del Castillo at Estela Perlas-Bernabe na dumalo rin sa pagtitipon.

Binanggit ng punong mahistrado na si Del Castillo ang nangunguna sa mga outreach program ng Korte Suprema, habang si Bernabe naman ang nanguna sa pagbalangkas ng panuntunan sa mga commercial courts. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?