68

By

Sereno impeachment sa Kamara, ipatitigil na ni Umali

Hihilingin ni House justice committee chairman Reynaldo Umali na ihinto na ang impeachment proceedings laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, matapos ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto petition na nagpawalang-bisa sa kanyang appointment bilang punong mahistrado.

Hindi pa napagbobotohan sa Kamara ang articles of impeachment para mai-akyat ito sa Senado.

Pero ayon kay Umali, kakausapin niya si House majority leader Rodolfo Fariñas tungkol sa susunod nilang hakbang.

Para sa kongresista, mas mainam na itigil na ang impeachment para maiwasan ang constitutional crisis.

“Ako, ‘yan ang posisyon na ibibigay ko sa Rules Committee na tuldukan na natin ito. After all, mas makakasama pa kung pagbotohan at i-akyat namin yan sa Senado dahil baka magkaroon pa ng constitutional crisis,” sabi ni Umali.

Bagama’t pwede pang i-apela ni Sereno ang ruling ng Supreme Court, naniniwala si Umali na Malabo nang magbago pa ang desisyon ng mga mahistrado.

“In all likelihood naman, yung walo naman hindi na mababago yan. Baka madagdagan pa yan, baka mapag-isip yung iba. Baka lalong dumami pa yung may botong in favor,” ayon sa kongresista.

Una rito, sinabi ni Fariñas na hihintayin ng Kamara ang pinal na resolusyon ng kataas-taasang hukuman sa quo warranto petition bago ito gumawa ng susunod na hakbang kaugnay naman sa impeachment. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?