115

Nov 6, 2017 @ 15:39
By

Sereno hindi magbibitiw sa puwesto

Haharapin umano ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang impeachment proceedings laban sa kanya.

Ito ang pahayag kanina ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno, kasunod ng panawagan ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magbitiw na ang punong mahistrado sa pwesto para hindi na makaladlad ang hudikatura.

Sa isang mensahe sa text, sinabi ni Cruz na kagaya ng dati nang tinuran ni Sereno, hindi kasama ang pagbibitiw sa kanyang pinagpipilian.

Aniya, kaya nga haharapin ni Sereno ang impeachment proceedings ay para maprotektahan ang dignidad at independence ng Korte Suprema at ng Office of the Chief Justice.

“As previously declared, the resignation has never been an option. The CJ needs to face the impeachment proceeding precisely to preserve the dignity and independence of both the Supreme Court and the Office of the Chief Justice,” giit ni Cruz.

Binigyang diin pa ni Cruz na walang ginawa si Sereno na ikasisira ng Hudikatura, at ginagawa niya ang lahat para mapatatag ang institusyon.

Hindi rin umano natatakot ang punong mahistrado dahil malinis ang kanyang konsensya.

“She is a brave woman who has a clear conscience,” dagdag ni Cruz.

Ang panawagan ni Roque kay Sereno ay matapos na sabihin ng punong mahistrado sa kanyang talumpati sa International Conference on the Training of the Judiciary sa Lungsod ng Taguig na may politikal na pwersa na umano’y nagbabanta at nanggigipit sa pagiging independyente ng Hudikatura.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?