293
spy-on-the-job-rey-marfil
By

Sereno for senator, abangan!

Sharing is caring!

At naganap na nga ang inaasahan ng marami na maya­yari ng quo warranto petition si Supreme Court (ex) Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa botong 8-6 ng kanyang mga kabarong mahistrado.

Bakit marami ang humuhula na mas malaki ang tiyansa na masisibak sa quo warranto petition si Sereno kaysa sa nakaumang na impeachment complaint na manggagaling sa mga kongresista na ipadadala nila sa Senado? Ang naghain kasi ng petisyon ay si Solicitor General Jose Calida, na tagapagtanggol ng Palasyo.

At alam naman ng marami na hindi maganda ang relasyon nina Sereno at Pangulong Rod­rigo Duterte kaya inaasahan na kahit papaano ay gagalaw ika nga ang puwersa ng administrasyon para mawala sa landas ng Malacañang si Sereno.

Kung pagbabatayan ang bilang ng mga mahistrado na itinalaga ni Duterte at dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at mga kapwa mahistrado na nasagasa­an ni Sereno sa kanyang pagkaka-appoint bilang punong mahistrado, talaga namang madedehado siya sa bilang ng kakampi.

Tandaan natin na nakakaanim na taon pa lang si Sereno sa puwesto bilang Chief Justice na itinalaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa naturang puwesto noong 2012. At kung hindi siya maaalis, mayroon pa sana siyang 12 taon sa Korte Suprema, at matatapos niya ang termino ni Duterte at ang papalit na administrasyon pa kay Duterte.

Si Sereno sana ang magiging pinakamatagal na mahistrado na uupo sa posisyon bilang punong mahistrado. Kung mahusay ang kanyang pamamalakad, maganda iyon para maisakatuparan ang mga kailangang reporma sa hudikatura nang tuloy-tuloy. Pero kung palpak naman siyang lider ng kataas-taasang hukuman, aba’y malaking problema siya sa hudikatura.

Bagaman nagpasya na ang mga mahistrado sa dikit na botong 8-6 na sipain si Sereno sa puwesto, masasabing hindi pa naman ito pinal dahil tiyak na hihirit ang kanyang kampo ng motion for reconsideration. Isang boto lang ang kailangan ni Sereno para mabaliktad ang desisyon tungkol sa quo warranto.

Bukod sa hindi pa pinal na tapos ang usapin sa quo warranto, masasabi ring hindi pa tapos ang kabanata sa buhay ni Sereno. Puwede pa itong magkaroon ng panibagong ‘chapter’ kapag nagpasya siyang tumakbong senador sa 2019 at pamunuan ang hanay ng oposisyon.

Kung tutuusin, magi­ging pabor sa oposisyon kung tuluyang masisipa si Sereno dahil puwede niyang gamitin ang usapin sa kampanya na sunud-sunuran sa Malacañang ang mga mahistrado na bumoto laban sa kanya. Puwede pang akusahan ng oposisyon na biktima ng lider na diktador si Sereno.

Ngayon na hirap na hirap ang oposisyon na makabuo ng 12 kandidatong senador sa 2019, malaking dagdag sa kanila si Sereno at maaaring siya pa ang manguna sa line-up. Ayaw yata ng mga Pinoy na inaapi ang babae.

At kung babae ang pag-uusapan, puwedeng si Vice President Leni Robredo ang maging campaign manager ng oposisyon. At kung sakaling maging tagilid din si Robredo sa recount na ginagawa ng SC (uli) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal, puwede rin siyang tumakbong senador din kung lalabas ang desisyon sa recount bago ang paghahain ng kandidatura sa pagka-senador sa Oktubre.

Marami pang dapat abangan tulad ng magi­ging galaw ng Senado sa desisyon ng SC sa quo warranto dahil mistulang naagaw ang kanilang kapangyarihan na duminig ng kaso sa mga opisyal na dapat ma-impeach gaya ng mga mahistrado ng SC.

Sakaling tumakbong senador si Sereno at manalo na may pinakamalaking boto, tiyak na sunod na aabangan ay kung tatakbo siya sa 2022 presidential elections. Kaya abangan ang mga susunod na kabanata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?