156

Nov 28, 2017 @ 14:13
By

Sereno, ‘di na pipiliting dumalo sa impeachment hearing

Kumambiyo na ang Kamara sa isyu ng pagpapatawag kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa impeachment hearing.

Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, hindi nila pipilitin si Sereno kung ayaw nitong humarap sa pagdinig ng House Justice Committee.

“In any case whether administrative or criminal, you cannot compel the respondent or the accuse to testify. Kanyang call ‘yan, that is the right of the respondent,” sabi ni Fariñas.

Ipinaliwanag ng majority leader na kung ayaw sumagot ni Sereno, hindi ito puwedeng pilitin na magsumite ng sagot bagama’t sa ilalim ng rules ay katumbas ito ng general denial ng lahat ng alegasyon.

Respeto na rin lang aniya ito para maiwasan ang banggaan ng Kongreso at Korte Suprema.

Sabi ni Fariñas, dedepende na lamang ang justice committee sa reply ni Sereno sa impeachment complaint ni Atty. Larry Gadon at sa mga ebidensiyang maipiprisinta para timbangin ang pananagutan nito sa bawat alegasyon.

Ang mahalaga, ani Fariñas, ay pinagbigyan nila si Sereno na humarap at personal na magpaliwanag ng sariling panig sa Justice Committee. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?