By

Sereno balik trabaho na sa Supreme Court

Sharing is caring!

Tuloy na sa kanyang tungkulin bilang Chief Justice si Maria Lourdes Sereno matapos mag-indefinite leave noong Marso.

Si Sereno ay dumating sa Korte Suprema alas-7:30 ng umaga kanina.

Sa isang statement na binasa ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno, natapos na umano ni Sereno ang kanyang paghahanda para sa kanyang depensa sa kinakaharap niyang impeachment complaint.

Handa na umano ang Punong Mahistrado na harapin ang mga nagpaparatang sa kanya sa impeachment court.

“She is ready to face her accusers in the Senate, sitting as an impeachment court, to defend herself and tell the Filipino people the other side of the story: the truth,” ang nakasaad sa statement.

Ang pagbabalik din umano ni Sereno sa trabaho ay alinsunod sa Konstitusyon.

“Now that the purpose of her leave of absence has been served, the Chief Justice will resume performing her constitutional mandate and discharging her responsibilities as head of the Judiciary. Her return to her office is in full consonance with our Constitution,” sabi pa sa statement.

Dagdag pa ng kanyang kampo, mag-i-inhibit si Sereno sa deliberasyon ng en banc sa kanyang quo warranto, pero iginigiit ng Punong Mahistrado na dapat ding mag-inhibit ang anim na iba pang mahistrado na humarap sa House Justice Committee hearing laban sa kanya.

Ang muling pagtuntong ni Sereno sa Korte Suprema ay nangyari dalawang araw bago ang nakatakdang botohan ng Supreme Court En Banc sa Biyernes sa quo warranto case na inihain ng Office of the Solicitor General laban kay Sereno.

Matatandaan na si Sereno ay naghain ng indefinite leave sa kanyang puwesto umpisa noong Marso 1, 2018.

Ito’y alinsunod sa naging consensus ng mayorya sa mga mahistrado ng Korte Suprema sa kanilang deliberasyon noong Pebrero 27, 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?