62

Oct 2, 2017 @ 14:04

Sereno, ayaw patulan ang hamon ni Duterte

Sa hangaring hindi na muling sumiklab ang galit ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagpasya ang kampo ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na “tumahimik” na lang sa hamon ng una na sabay-sabay silang tatlo, kasama rin si Ombudsman Conchita Carpio Morales, na magbitiw sa kani-kanilang mga puwesto.

Ayon kay Atty. Carlo Cruz, spokesperson ni Sereno, hindi magko-komento ng anuman ang punong mahistrado sa hamon ng Pangulo at sa halip ay pagtutuunan nila ng pansin ang impeachment complaint na isinampa laban dito sa committee on justice ng Kongreso.

“Consistent ang sinasabi po namin, ang kailangan po naming tugunan at bigyan ng proper concentration ay ‘yung pag-uusig sa House committe on justice,” ani Cruz.

Nauna nang hinamon ng Pangulo sina Sereno at Morales na magtungo silang tatlo sa Kongreso at lumagda sa resignation letter sa isang simpleng seremonya lang.

Sinabi ni Cruz na hindi nila papatulan ang hamon ng Pangulo dahil mas nais aniya ni Sereno na linisin ang kanyang pangalan mula sa mga akusasyon ng abogadong si Larry Gadon na pulos malisyoso at wala aniyang katotohanan.

Ilan umano sa mga ito ang umano’y paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, betrayal of public trust at iba pa.

“Sa ngayon ang hinahabol namin ay ang karapatan ni Chief Justice Sereno na mai-represent siya ng kanyang mga abogado para makapag-cross examine kay Atty. Gadon pati na po kung sinumang testigo na ihaharap niya sa usaping ‘yon,” ayon kay Cruz.

“Excited po kami na sana mabigyan kami ng oportunidad na makapaglahad sa House committee, lahat ng aming depensa dahil maipapakita namin na wala naman pong basehan ang reklamong impeachment na inihain ni Atty. Gadon laban kay Chief Justice Sereno,” dagdag ni Cruz. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?