36

Oct 26, 2020 @ 19:35
By

Serbisyo sa tao bibilis kapag nahati ang Maguindanao – Tolentino

Napapanahon na para hatiin ang Maguindanao sa dalawang lalawigan bilang bahagi ng pambansang reporma upang mas mapabilis ang pagdating ng serbisyo para sa halos 1.174 milyon nitong residente doon, ayon kay Senador Francis Tolentino.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag kasunod ng pag-apruba ng Senate Committee on Local Government sa panukalang paghahati ng lalawigan ng Maguindanao sa dalawang magkahiwalay na probinsya.

Sabi nito, bagama’t hitik sa biyaya ng likas na yaman ang Maguindanao, nananatili pa rin itong isa sa mga pinakamahirap na lalawigan sa bansa.

“Reforms must be done in order to remedy this predicament and one way to ensure this is by splitting the province into two,” pahayag ni Tolentino, chairman ng komite.

Tatlong panukalang batas ang nakahain ngayon upang hatiin ang Maguindanao sa timog at hilagang bahagi nito.

Kabilang dito ang House Bill No. 6413 ni Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu na aprubado na sa ikatlong pagbasa sa Kamara, Senate Bill No. 1824 na inihain ni Tolentino at Senate Bill No. 1714 na panukala ni Senadora Cynthia Villar.

Sa ilalim ng mga nasabing panukala, 12 bayan ang bubuo sa Northern Maguindanao, kung saan ang bayan ng Datu Odin Sinsuat ang magiging sentro nito.

Samantala, 24 na munisipalidad ang bubuo sa Southern Maguindanao at ang bayan ng Buluan ang magiging kapitolyo.

Para sa Bureau of Local Government Finance, isang ahensya sa ilalim ng Department of Finance, pasado at financially compliant sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 ang paghahati sa Maguindanao.

Sinabi naman ni Director Ma. Pamela Quizon ng Bureau of Local Government Finance, lusot sa income requirements sa ilalim ng Local Government Code ang mga bayan na bubuo ng Northern at Southern Maguindanao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?