161

By

Senior citizen itinumba ng riding-in-tandem

Sharing is caring!

Isang senior citizen ang binaril at napatay ng riding-in-tandem habang naglalakad patungo sa kakausaping barangay chairman sa Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na sis Manolo Taroy, 67, may-asawa, at residente ng Block 5, Lot 3, Talanay, Brgy. Batasan Hills, QC.

Ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre sa ulo at namatay habang ginagamot sa General Malvar Hospital.

Agad namang tumakas ang dalawang naka-maskarang suspek na kapwa nakasuot ng jacket sakay ng kulay itim na motorsiklo na walang plaka.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Roldan. P. Cornejo, ng CIDU, ang pamamaril ay naganap dakong alas-12:30 ng hapon nitong Sabado (November 18), sa Columbia Garden Residences na matatagpuan sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Brgy. Batasan Hills ng nasabing lungsod.

Nagpaalam umano ang biktima sa anak na pupunta sa Max’s Restaurant (Batasan Hills branch), upang kausapin ang kanilang Barangay Chairman na nakilalang si Jojo Abad tungkol sa plano nitong konstruksiyon ng Barangay Hall Annex.

Nabatid na ang pagtatayuang annex building ng barangay ay isang pribadong lote kaya pine-petisyon ito ng grupo ni Taroy na hindi dapat na tayuan ng annex building ng barangay.

Hindi pa man umano nakakausap ng biktima ang kanilang barangay chairman, nakarinig ng isang malakas na putok ng baril ang security guard ng Columbia Garden na nakilalang si John Paul Diaz na noon ay nagsasagawa ng routinary patrol.

Agad na nagresponde ang guwardiya at pinuntahan ang pinagmulan ng putok ng baril at doon ay bumungad sa kanya ang biktima na nakahandusay at duguan.

Masusing nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang pulisya kung ang motibo sa pamamaslang ay may kinalaman sa pinepetisyong lote ng grupo ng biktima na planong pagtayuan ng annex building ng nasabing barangay. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?