340

Dec 6, 2017 @ 10:04
By

Senior citizen buking sa dami ng baril

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang 62-anyos na lalaki matapos paputukan ng baril ang kanyang misis at makuha mula sa tahanan nito ang mga armas, bala, at granada, sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Kinilala ni QCPD Director, P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si Emmanuel Villa Delgado, residente sa No. 127 Desiderio Street, Don Jose Subdivision, Brgy. Commonwealth.

Siya ay nadakip ng mga operatiba ng Batasan Police Station (PS-6), na pinamumunuan ni P/Supt Rossel Cejas, dakong alas-11 ng gabi nitong December 4, 2017.

Batay sa imbestigasyon, umuwng lasing si Delgado at inaway ang kanyang kinakasamang si Abigail Torrevillas dahil sa selos. Matapos ay pinaputkan niya ito ng baril ngunit nagmintis ito.

Sa takot ni Torrevillas ay nagtatakbo ito palabas ng kanilang bahay at nagpasaklolo sa Batasan police. Nagtangka pang tumakas ni Delgado ng makita ang mga paparating na pulis na pinapangunahan ni P/Chief Insp. Sandie Caparroso ngunit agad naman siyang dinakma ng mga awtoridad.

Nakumpiska sa suspek ang iba’t-ibang uri ng baril na walang permit to carry. Ito ay ang kalibre .45 Glock pistol, 9mm Taurus pistol, 9mm pistol, kalibre .45 M1911 AI US Army pistol, kalibre .45 M1911 AI US Army pistol, kalibre .45 Para X Hi-cap pistol, Spanish-made rifle, kalibre .22 rifle, M16 Bushmaster assault rifle, granada, at mga bala.

Kinasuhan ang suspek dahil sa paglabag sa RA 9262 in relation to attempted homicide, RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), at RA 9516, or illegal possession of explosives. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?