245
pdp-laban
Mar 26, 2018 @ 16:44
By

Senatorial slate ng PDP Laban kailangang aprub ni Duterte – Koko

Kung hindi aprub kay Pangulong Duterte, hindi isasama sa senatorial slate ng PDP Laban.

Deklarasyon ito ni Senate President Koko Pimentel, ang pangulo ng partido.

Aniya, si Duterte ang chairman ng PDP Laban at dapat lang na gusto niya ang kandidato kapag kaniyang ieendorso at ikakampanya.

“Siyempre dapat namang kampante ang loob ng Pangulo, gusto niya ang track record, ang pagkatao dahil ikakampanya niya eh,” paliwanag ni Pimentel.

Kumpiyansa naman si Pimentel na magiging aprub sa Pangulo ang limang kapwa senador na tulad niyang kakandidatong muli sa pagka-senador sa Mayo 2019.

Ito ay sina Senador JV Ejercito, Sen. Grace Poe, Sen. Cynthia Villar, Sen. Nancy Binay at Sen. Sonny Angara.

Hindi naman umano magiging isyu laban kay Poe ang paglalaban nila ng Pangulo noong presidential elections dahil “mataas naman ang level” ng kanilang salpukan.

Samantala, pagkalagpas ng Mahal na Araw, sinabi ni Pimentel na magpupulong na sila ni House Speaker Pantaleon Alvarez para umpisahan nang salain, kilatisin at pag-isahin ang magkahiwalay nilang listahan ng mga posibleng gawing senatorial candidates ng PDP Laban.

“Kami lang ang bubuo ng semi-final list, ikokonsulta sa mga miyembro then isusumite sa Pangulo,” sabi ni Pimentel.

Malamang umanong sa Setyembre nila maisapinal ang kumpletong senatorial line-up ng partido dahil sa Oktubre ang paghahain na ng kandidatura.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?