11

Oct 7, 2021 @ 16:56
By

Senatorial bid ni Roque tuloy kung tatakbong pangulo si Sara

Nakasalalay sa magiging desisyon ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kung tutuloy o hindi si Presidential Spokesman Harry Roque sa pagkandidatong senador sa darating na eleksiyon.

Ito ang inihayag ni Roque sa kanyang press briefing kasabay ng pagtatapos sa October 8 ng paghahain ng certificate of candidacy ng mga nais tumakbo sa 2022 elections.

Ayon kay Roque, nagbitiw na siya ng kanyang salita noon na tatakbo lamang ito sa eleksiyon kung tatakbong presidente si Mayor Sara.

“Well, kinakailangan po mayroon tayong isang salita at minsan na po akong nagsabi na tatakbo lang ako kung tatakbo po si Mayor Sara Duterte,” ani Roque.

Nakahanda na aniya ang kanyang certificate of candidacy kung sakaling hahabol sa last day ang alkalde ng Davao City.

Sinabi ni Roque na tuloy ang kanilang pagdarasal na sana ay magbago pa ang isip ni Mayor Sara para tumakbo sa presidential post.

“Bukas po ang last day. Magbi-vigil po kami dito sa Malacañang kung sakaling maghahain po ng certificate of candidacy si Mayor Sara for president,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?