41

Oct 5, 2021 @ 19:20
By

Senate probe vs Pharmally ‘wag gamitin sa politika – Tolentino

Nababahala si Senador Francis ‘Tol’ Tolentino dahil nagiging entablado na ng maruming away politika ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang pagbili ng pamahalaan ng mga medical supply sa pribadong kompanyang Pharmally.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite, umapela si Tolentino sa kanyang mga kasamahan na hindi dapat nagagamit ang nasabing kumite upang magpalaganap ng hidwaan sa lipunan.

“None of us will go forward, unless we go forward together and united as Filipinos,” sabi ni Tolentino.

Sa halip na gamitin sa batuhan ng putik at pamumulitika na nagiging sanhi ng pagkakahati ng mamamayan, dapat umanong magsilbing simbolo ng pag-asa at pagkakaisa ang nasabing Senate panel.

Bagama’t naniniwala si Tolentino na ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng Blue Ribbon panel ay upang halungkatin ang katotohanan sa umano’y overpricing sa pagbili ng mga medical supply kontra COVID-19 ng pamahalaan, hindi dapat ginagamit ang nasabing pagdinig para ipitin ng ilang miyembro ng komite ang mga kaaway nila sa politika.

Umaasa din ito na igagalang ng ehekutibo ang separation of powers na nakapaloob sa Saligang Batas 1987 at padadaluhin sa pagdinig ang mga kawani ng pamahalaan na inimbitahan ng nasabing Senate panel.

Samantala, umapela rin si Tolentino sa kanyang mga kasamahan na bigyan ng kaukulang na respeto ang opisina ng Pangulo at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte rin.

Giit nito, hindi dapat mauwi sa takutan at pagbabanta mula sa magkabilang panig ang ginagawang imbestigasyon.

“Igalang po natin ang karapatan ng isa’t isa, and I say this again—it refers to all, including President Duterte,” paliwanag ni Tolentino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?