56

By

Senate probe sa passport data breach inihirit ni Hontiveros

Ipinahahalukay ni Senadora Risa Hontiveros sa Senado ang passport data breach sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Kaugnay nito, inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 8 kung saan ipinasisiyasat ang kontrobersya dahil maaari umanong magdulot ng panganib sa seguridad ng bansa at ng milyon-milyong Filipino.

Sinabi na umano ng mga eksperto na delikado ngayon na manakaw ang pagkatao ng mga nakompromiso ang passport data.

“As opined by data privacy legal experts, the implications of the data ‘taken’ from the DFA are vast, and leaves data subjects vulnerable to identity thieves who can use sensitive information contained in the birth certificates (such as the individual’s maiden name) to illegally access financial transactions of the data subject,” sabi ng senadora.

Sa rebelasyon ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., “itinakbo” ng dating kontratista ang datos at birth certificate ng mga aplikante para sa bagong pasaporte.

Sinabi ni Hontiveros na sa kabila ng mga social media post nina Locsin at dating DFA Secretary Perfecto Yasay Jr., hindi nililinaw ang kontratistang nagtakbo diumano ng mga passport data.

Idiniin na mahalaga itong mabungkal dahil isyu ang kakayanan ng gobyerno na mag-ingat ng impormasyon lalo na ngayong uumpisahan na ang National ID System.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?