bylines-milky-rigonan

Senate President’s list vs Speaker’s list?

Sharing is caring!

By Milky B. Rigonan

Bago ang final list , may kanya-kanyang version ang Senatorial slate ng administration party bago mag-2019.

Halos kalahati pa lang ang listahan ng posibleng Senatorial slate ng administrasyon, pero ngayon pa lang may isyu na sa mga party stalwarts.

Sa unang listahan, binanggit ni Senate President Koko Pimentel, presidente ng partido ang posibleng makasama sa line up ng administrasyon para kumandidatong Senador sa 2019.

Bukod kay Pimentel, ang mga ito ay sina Rep. Karlo Nograles ng Davao City; Rep. Albee Benitez ng Negros Occidental; Rep. Geraldine Roman ng Bataan at dating MMDA Chairman Francis Tolentino.

Posibleng makasama din si reelectionist Senator JV Ejercito na nakatakda rin lumipat sa PDP-Laban mula sa kasalukuyang partido nito na Partido ng Masang Pilipino.

Last week, binanggit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na posibleng mapabilang sa Senatorial slate ng administrasyon sina PCOO Assistant Secretary Mocha Uson at Presidential Spokesman Harry Roque.

Aminado si Pimentel na masyadong maaga pa para pag-usapan ang midterm elections. Ang pag-amin ay ginawa ni Pimentel dahil negatibo ang reaksiyon ng ilang sektor na sa halip magtrabaho muna ang mga lider ng administration party sa Kamara at Senado, ang paghahanda na sa 2019 ang pinagkaka-abalahan.

Nilinaw ni Pimentel na ang mga lumulutang na listahan ng PDP-Laban ay preliminary lang, marami pa ang pwedeng magbago.

Paliwanag ni Pimentel, kukunsultahin lahat ng mga miembro ng partido at may final say din anya si Pangulong Rodrigo Duterte bilang Chairman ng PDP-Laban.

Nang i-announce ni Alvarez, secretary general ng partido, ang pangalan nina Uson at Roque na pwedeng makasama sa Senatorial slate ng PDP-Laban sa 2019, ito ang reaksiyon ni Pimentel, “no party decision yet. You can consider them as Speaker’s nominees. Party will decide in due time”.

Speaker’s list? So may Senate President’s list din?

Ayon sa sources, imbiyerna daw si Pimentel nang sabihin ni Alvarez na kasama sina Uson at Roque sa Senatorial slate ng PDP-Laban.

Mayroon bang iringan na namamagitan kina Pimentel at Alvarez?

Batay sa sources, nagkakasapawan daw ang dalawang lider at may ilang kuwestiyon si Pimentel sa mga statement ni Alvarez na dapat kinukunsulta muna sa kanya bilang pangulo ng partido.

Isa sa mga pinagmulan ng intriga ay nang hindi banggitin ni Alvarez ang pangalan ni Pimentel sa talumpati nito sa oath taking ng ilang pulitiko at personalidad sa Cebu na sumapi sa PDP-Laban.

Hindi kasama sa Speaker’s list si Pimentel at House Majority Leader Rodolfo Farinas ng Ilocos Norte.

Depensa ni Alvarez, malabong makasama si Farinas dahil hindi umano ito interesado na tumakbo bilang Senador.

Sa panig naman ni Pimentel, sinabi ni Alvarez may legal question umano sa kanyang kandidatura dahil sa ilalim ng 1987 Constitution, pinapayagan lang ang two consecutive six-year terms para sa isang Senador.

Halos dalawang taon lang na nakapagsilbi sa kanyang termino si Pimentel dahil sa electoral protest laban kay Senator Migz Zubiri dahil sa alegasyon ng umanoy dayaan noong 2007 elections.

Kahit itinanggi ni Zubiri ang alegasyon ng dayaan, nag-resigned ito sa tungkulin bago bumaba ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal.

Nanungkulan si Pimentel sa Senado noong August 2011 at nanalo sa ikalawang termino noong 2013 elections.

Reklamo ng kampo ni Pimentel, bakit si Alvarez pa ang nag-uungkat nito sa posibleng problema ng Senate President sa pagkandidato muli sa 2019.

Bago tuluyang dumami ang mga miembro ng PDP-Laban at baka hindi na makontrol ang ongoing exodus ng mga gustong sumama sa administration party, ngayon pa lang dapat nang plantsahin ang namumuong gusot sa matataas na opisyal ng partido.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?