79

Oct 19, 2017 @ 16:17

Senate inquiry sa Marawi siege, hiniling

Sa kabila ng kagalakang hatid ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaya ng Marawi City laban sa mga terorista, nais pa rin ng isang grupo ng mga Muslim dito na imbestigahan ng Senado ang naganap na digmaan.

Ayon kay Agakhan Shariff, pinuno ng Dansalantao sa Kalilintan Movement ng Marawi, dapat matukoy kung sino ang may pagkukulang at nalusob ng Maute group ang kanilang lungsod.

Giit ni Shariff, hindi dapat isisi sa sibilyan kung bakit nagkaroon ng kuta ang mga terorista sa Marawi at hindi agad naiulat sa mga awtoridad.

Nais malaman ng grupo nina Shariff kung sino ang may pananagutan sa pagitan ng gobyerno at lokal na pamahalaan at malayang nakagalaw sa lungsod ang mga terorista hanggang tuluyan nilang makubkob ang Marawi at makabihag ng maraming sibilyan, kabilang si Fr. Chito Suganob.

Kinuwestyon din nito kung saan at paano ginagamit ang intelligence fund pero sablay naman aniya sa pagmonitor sa galaw ng mga terorista sa Mindanao.

Kasabay nito ay inamin ni Shariff na nangangamba pa rin ang mga mamamayan sa Marawi dahil hindi pa tuluyang natatapos ang digmaan.

Aniya, may mga natitira pang Maute-ISIS members na nakikipaglaban sa puwersa ng pamahalaan at hawak pa rin ng mga ito ang may 18 bihag.

Umaasa rin si Shariff na sa lalong madaling panahon ay makabalik na sila sa Marawi City lalo na sa mga barangay na hindi naman apektado ng digmaan.

Ayon kay Shariff, apat hanggang sa limang barangay lamang ang apektado ng gulo.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority, binubuo ng 96 na barangay ang Marawi na may higit sa 300,000 ang populasyon.

Ikinagalak naman ni Marawi Bishop Edwin dela Peña ang napipintong pagtatapos ng digmaan kasunod ng pagkamatay ng mga terrorist leaders na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?