trillanes
By

Senate inquiry sa Duterte accounts ipinipilit ni Trillanes

Sharing is caring!

Hindi iuurong ni Senador Antonio Trillanes IV ang inihaing Senate Resolution No. 602 kung saan pinaiimbestigahan niya ang diumano’y itinatagong bank accounts nina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa kabila ito ng inihayag ni Solicitor General Jose Calida na itinigil na ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa katulad na usapin.

Ayon kay Trillanes, kailangan itong bungkalin ng Senado upang magkaalaman kung sino ang nagsisinungaling ukol sa yaman ng Pangulo.

Sa paghahayag kanina na sarado na ang imbestigasyon ng Ombudsman sa Duterte accounts, iginiit ni Calida na tigilan na rin ito ni Trillanes na umano’y basura naman ang hawak na bala laban kay Pangulong Duterte.

Tanong ni Trillanes, bakit nagpa-panic ang kampo ng Pangulo kung basura ang kaniyang hawak.

Iniulit nito ang hamon sa Pangulo na magbigay na lang ng waiver sa Bank Secrecy Law para mapabuksan ang diumano’y bank accounts nito.

Kapag napatunayan na mali ang kaniyang mga alegasyon, magbibitiw umano siya sa pagka-senador at kusang magpapakulong.

“If what I have is nothing but garbage, then why are they panicking? Bakit sila nagpa-panic? Bakit ayaw nilang mapahiya ako?

“And why can’t Mr. Duterte just accept my challenge for him to sign a waiver and if I am wrong in my allegations then I would resign immediately as Senator and voluntarily walk in any jail of his choice?” ani Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?