24

Jan 5, 2021 @ 18:30
By

Senador swak sa listahan! Top 5 pinakamaliit na PBA player

Hindi nabiyayaan ang mga Pinoy ng mahahabang biyas, ngunit hindi ito hadlang para maituring ba basketball loving country ang Pilipinas kahit pa angat ang matangkad sa naturang sport.

Pinatunayan naman ng ilang manlalaro sa PBA na kahit sila’y hindi katangkaran, kayang-kaya nilang makipagsabayan sa mga higante ng liga.

Sa ‘Factsbreak’ segment ng Sportalakan kasama si PBA statistician Fidel Mangonon III, binahagi nito ang limang manlalaro na tinuring na pinakamaliit na nakatungtong sa PBA.

Una sa listahan ay tiyuhin pa mismo ni PBA legend Johnny A. na si Virgilio Abarrientos.

Sumukat lang ng 5-foot-5 si Virgilio, na naglaro sa unang season ng PBA noong 1975, at ang kakaiba pa, ‘Haba-Haba’ ang naging bansag sa player kahit pa maliit lang ito.

Sunod naman sa listahan ay ang dating manlalaro ng Purefoods Tender Juicy Giants na si Al Vergara, na may height lamang na 5-foot-5 and five-eights.

Bago makapasok sa PBA ay naging player muna para sa Singapore Slingers sa Asean Basketball League si Vergara at ngayon ay nasa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na.

Mula din sa Purefoods ang ikatlo sa shortest player sa liga na si Boyet Bautista, na may taas na 5-foot-5 and three forths.

Nagkaroon din ng pagkakataon si Bautista na marepresenta ang bansa sa 2007 Southeast Asian Games kung saan nanalo siya ng ginto.

Ang pang-apat naman ay marahil ang pinakasikat sa mga bulilit ng PBA, ito ay walang iba kundi si ‘Pambansang Kamao’ Senador Manny Pacquiao na tumindig ng 5-foot-6.

Bigatin ang naging resume ni Pacquiao sa PBA, kung saan sinungkit siya ng Kia Sorento para sa kanilang unang pick sa PBA bilang expansion team.

Nauna pang nakuha si Pacquiao kumpara sa ilang naglalaro pa sa PBA tulad nina Juami Tiongson, Rome dela Rosa, Prince Caperal, Brian Heruela at John Pinto.

Ang huling nakapasok sa Top 5 ay walang iba kundi ang dating lead point guard ng Ateneo na si Emman Monfort na may height na 5-foot-6 1/6.

Maganda ang simula ni Monfort sa pro league noong ma-pick ito ng Barako Bull sa 2012 PBA Rookie Draft, kung saan nag-average siya ng 9.1 points at 5.0 assists sa 12 laro sa kanyang unang season.

Napamahal naman ang mga fan ng crowd favorite Ginebra sa pint-sized guard nang ma-trade ito sa kanilang koponan.

Bigo mang makasungkit ng PBA championship si Monfort, namumutiktik pa rin sa awards ang kanyang basketball career na nakakuha ng tatlong kampeonato sa UAAP at gold medal sa 2011 Jakarta Southeast Asian Games.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?