43

Nov 4, 2017 @ 17:48

Senado, ‘unlimited’ ang sesyon pagkatapos ng ASEAN

Hahabulin ng Senado ang mga araw na mawawala sa kanila dahil sa isasagawang ASEAN Summit sa November 13 hanggang 15.

Ayon kay Acting Senate President Sherwin “Win” Gatchalian, magkakaroon sila ng session sa Nobyembre 16-17 na sisimulan alas-10:00 ng umaga at depende sa kanila kung hanggang anong oras tatapusin.

“Kung tatanungin ang mga senador, gusto na namin pumasok as early as Nov. 13 pero nung kinonsulta namin ang Sgt at Arms at ASEAN organizers ay mahihirapan, Kaya napagkasunduan ng mga senador na kanselahin na lang ang trabaho sa November 13-15 at babalik kami sa November 16 pero ang session ay magsisimula ng 10am. Meron po kami Nov. 16 at 17,” saad ni Gatchalian.

Ito anya ay upang matapos ang pagtalakay sa Proposed 2018 National Budget at Tax Reform Bill na target nilang ipasa bago ang Christmas Break.

Sa panig naman ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, kumpiyansa ito na matatapos pa rin nila sa takdang panahon ang pagpapatibay sa dalawang mahalagang panukala.

“May konting kaba lang si Senador Loren (Legarda), may konti ring kaba si Senador (Sonny) Angara kasi we have to pass it before Christmas Break, may konting kaba lang sila na baka kapusin pero ako naman, hindi. Bale 3 days lang ang madedelay sa amin e,” paliwanag ni Sotto.

Nanindigan pa si Sotto na pasok pa rin sa kanilang timeline ang pagpapatibay sa dalawang panukala subalit kinakailangan lamang nilang magsagawa ng sesyon hanggang araw ng Biyernes.

“Magsasakripisyo lang kami ng dalawang Thursday at Friday,” dagdag ni Sotto. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?