37

Oct 4, 2021 @ 19:28
By

Senado pinasaringan sa paggamit ng testigo na hindi nanumpa

Pinasaringan ni Deputy Speaker at SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee na gumamit umano ng testigo na hindi pinanumpa na magsasabi ng totoo.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Lunes, tinanong ni Marcoleta si Krizle Grace Mago ng Pharmally Pharmaceutical Corp. kaugnay ng hindi nagpakilalang testigo na nagsabi na substandard ang face shield na ibinenta ng kompanya sa gobyerno.

Sinabi ni Mago na hindi nito nakita ang testigo na sumumpa na magsasabi ng totoo.

“Mr. chair palagay ko hindi nga siya pinasumpa dahil hindi naman ibinigay ang pangalan niya eh. Hindi siya makakasumpa simply because he was incognito. Dito kasi sa amin hindi namin tatanggapin yun eh. We cannot accept the testimony of a person na ayaw magpakilala at kung hindi naman susumpa kung ang sasabihin niya sa amin ay totoo o hindi it’s a waste of time, first of all its not admission in evidence,” sabi ni Marcoleta.

Sumang-ayon din si Mago sa sinabi ni Marcoleta na inakala nito na inimbita siya para maging resource person at malinawan ang mga pangyayari kaugnay ng pagbili ng gobyerno ng medical supply sa Pharmally.

“But you ended up being publicly humiliated. You ended up like you are an accused because sinasabi nga namin it was not the proper investigation in aid of legislation as enunciated in the Constitution but it was an interrogation, it was prosecution actually, did you notice that?” sabi ni Marcoleta na sinang-ayunan ni Mago.

Sinabi ni Marcoleta na kahit ang isang suspek na hinuli ng pulis ay kailangang basahan ng Miranda rights o karapatan nito na hindi magsalita dahil maaaring gamitin sa kanya ang anumang sabihin nito.

“Meron bang nagsabi sayo na pwede mong sagutin yan, pwedeng hindi baka ma-incriminate ka, did they tell you that?” tanong muli ni Marcoleta.

Tugon naman ni Mago: “Wala po.”

Sinabi ng chairperson ng komite na si DIWA Rep. Michael Aglipay na ito na ng huling pagdinig ng komite kaugnay ng Pharmally issue.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?