1,145

Apr 4, 2020 @ 9:41
By

Senado nagpuyat para sa Bayanihan Act! Moreno binuweltahan ni Lacson

Kinontra ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang naging patama ni Manila Mayor Isko Moreno na hinahanap ang 24 na mambabatas ngayong COVID-19 pandemic.

Sa pahayag ni Moreno, sinabi nito na dapat ay ngayon ipakita ng mga senador ang kanilang pamumuno at iwasan na raw ang paghahanap ng butas.

Depensa naman ni Lacson, hindi totoo ang paratang ni Moreno na wala silang ginagawa sa nararamdaman ngayong krisis ng bansa dahil sa virus.

Saad ni Lacson, kaya nakapagbigay ang national government ng tulong na pera sa mga mahihirap na mamamayan, kasama na ang mga residente ng Maynila, ay dahil sa inakda nilang Bayanihan to Heal as One Act.

“Yorme, kaya po namamahagi ngayon ang gobyerno ng tulong pinansyal kasama na ang lungsod ng Maynila ay dahil nagpagod at nagpuyat ang mga senador kahit may banta ng COVID-19 para ipasa ang Bayanihan Act,” saad ni Lacson.

“Mali ang paratang ninyo na wala kaming ginagawa.”

Sa ilalim ng Bayanihan Act ay nakapagsimula na ang Department of Social Welfare and Development na magbigay ng P5,000 hanggang P8,000 na cash assistance para sa 18 milyon na pamilya na unang pinamahagi sa lungsod ng Parañaque at Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?