101

Dec 13, 2017 @ 9:04
By

Senado, hati sa Martial Law extension

Umalma ang minority senators sa isinusulong na isang taon pang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao dahil sa nagpapatuloy na rebelyon.

Kinuwestiyon nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Bam Aquino at Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang isa sa batayan sa extension ng Martial Law.

Partikular na tinukoy ng minorya ang sinasabing psychological effect sa mga sundalo ng pagpapatupad ng Martial Law.

Iginiit ng minorya na wala sa konstitusyon ang alibi na psychological impact at ang dapat anila sa pagpapatupad ng Martial Law ay may actual rebellion.

“The security forces said that the threat is continuing that Martial Law has psychological impact in the performance of their duty, unfortunately these are not sufficient basis under the constitution to extend Martial Law,” saad ni Drilon.

Nangangamba rin ang minorya na posibleng maging ordinaryo na lamang ang pagpapatupad ng Martial Law hanggang sa gawin na ito sa buong bansa at sundan ng deklarasyon ng Revolutionary Government (RevGov).

Samantala, naniniwala naman si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na may sapat na batayan para pagtibayin ang Martial Law extension.

“There is rebellion on the ground and public safety requires it. And in their assessment kasi ito’y medyo subjective ‘yan, they need a year to address the root causes of rebellion pero walang sure dun,” saad ni Pimentel.

Inihayag naman ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III na ang mga residente sa Mindanao mismo ay nagnanais ng Martial Law.

Kapag may Martial Law, ung AFP nakakapag-concentrate sa mga rebelde, Hindi na nila iniintindi mga warlord, criminal syndicate,” saad ni Sotto.

Iisa naman ang pahayag ng mga senador, tutol man o pabor, na pormalidad na lamang ang mangyayaring joint session ngayong araw na ito dahil sa mayorya ng mga mambabatas ang suportado ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?