806

Oct 16, 2021 @ 21:46
By

Sen. Pimentel hinagilap, ‘di makita ni Duterte

Nawawala at hindi umano mahagilap ang anak ng founder ng PDP-Laban.

Ito ang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado ng hapon sa oath taking ng mga bagong miyembro at proklamasyon ng mga lokal na kandidato ng administration party.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo sa mga lokal na opisyal na umaasa siyang maninindigan ang mga bagong miyembro sa prinsipyo at adhikain ng PDP-Laban sa buong panahon ng kampanya at sa mismong araw ng eleksyon para masiguro ang integridad ng halalan.

Dapat din aniyang bigyan ng kredito ang ama ng PDP na si dating senador Aquilino Pimentel Jr. at kailangang hanapin ang anak dahil hindi ito matagpuan na ang tinutukoy si Senador Koko Pimentel.

Matatandaang humiwalay ang paksyon ni Senador Koko sa grupo nina Pangulong Duterte kaya hindi ito kasama sa mga aktibidad ng PDP-Laban Cusi group.

“You have to give credit, a big credit to the late Senator Pimentel. He is the father. But we might need to search for the child because he is nowhere to be found,” anang Pangulo.

Nangako ang Presidente sa mga lokal na kandidato ng partido na ikakampanya niya ang mga ito sa kanyang pag-iikot sa buong bansa pero hindi aniya nito maisa-isa lahat dahil napakaraming lokal na kandidato.

Nagbiro ang Presidente na ang tanging maitutulong niya sa mga kapartido ay bigyan sila ng tig-isang sakong pera para masigurong mananalo ang mga ito na pinalakpakan naman ng mga lokal na opisyal ng PDP-Laban.

“I may not be really be able to attend to all your political meetings but I have committed to campaign for PDP candidate all over the country. And I will go there and that would be my way of helping you and I will also give you one sack of money to ensure that you will win,” dagdag ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?