134

Mar 29, 2020 @ 14:55
By

Sen. Miriam may panukala ukol sa pandemya

Setyembre 5, 2013 pa hinain ni yumaong Senador Miriam Defensor Santiago ang isang panukala na maghahanda sana sa Pilipinas sa panahon ng pandemya, katulad ng nararanasan ngayong novel coronavirus disease (COVID-19).

Layon ng Senate Bill 1573 o ang “Pandemic and All-Hazards Preparedness Act” na ihanda ang bansa sa pagsugpo sa pandemya o nakamamatay na virus.

Nakasaad sa panukala na bubuo ng “medical reserve corps” na binubuo ng mga volunteer health professional at tatawaginf tumulong kung kakailanganin ng bansa.

Magtatatag din dapat ng task force para asikasuhin ang krisis, na bubuuin ng National Security Adviser, the DOH, Philippine National Red Cross (PNRC), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at Department of Interior and Local Government (DILG).

Hinain ito ng senador ilang buwan matapos ang pagkalat ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS), na dulot din ng isa pang strain ng coronavirus.

Sa ngayon, ayon sa official website ng Senado, ang “legislative status” ng panukalang batas ng yumaong senador ay “pending in the committee” as of Setyembre 11, 2013.

Ayon sa datos ng World Health Organization, nahawa ng MERS ang kabuuang 2,506 katao at kinitil ang 862 katao mula Setyembre 2012 hanggang Enero 2020.

Sa ngayon, Marso 29 (11:45 am), lampas 664,600 na ang nahawa at higit 30,800 na ang kinitil ng COVID-19 sa daigdig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?