108

Aug 5, 2019 @ 12:52
By

Semis loss sa SMB, motibasyon ni Nambatac

Natapos ang kampanya ng Rain or Shine sa semifinals ng PBA Commissioner’s Cup, yumuko sa San Miguel Beer sa apat na laro.

Rebelasyon sa Elasto Painters si Rey Nambatac.

Naghanap ng go-to guy si coach Caloy Garcia, rumesponde si Nambatac. Buong conference, ‘di nahiyang tumira ang dating Letran guard kung kinakailangan.

Isa si Nambatac sa dahilan kaya binutata ng Painters ang mga non-believer na nagsabing ‘di sila makakausad sa playoffs.

Pero sa Game 4, dalawang tres ang naimintis ni Nambatac sa final 1 ½ minutes, huli ang panabla sanang wide-open shot sa 36-second mark.

“Nakakapanghinayang. Andu’n na, eh. Sobrang wide-open, ‘di lang talaga pumasok,” ani Nambatac na tumapos ng 15 points mula sa 6 of 11 shooting, 2 for 6 sa 3-point range.

Nasa isip daw niya ay papasok ang tira, pero kumabyos.

“Masasabi ko, ‘di ko araw,” bulalas ni Nambatac. “Ganu’n talaga. Wala namang perpekto sa basketball, eh. Magmi-miss ka talaga.”

Natalo, pero taas-noong lumabas ng Smart Araneta Coliseum ang Painters. Mula kay coach Caloy hanggang management, natuwa sa pinakita ng team.

“’Di naman galit si coach. Even our management, tuwang-tuwa nga sa pinakita namin kasi talagang alam nila na lumaban kami sa game na ‘to. ‘di namin binigay basta-basta,” dagdag niya.

Tinapos ng Rain or Shine ang eliminations sa 5-6 win-loss card, kabuhol ang Magnolia at San Miguel sa 5th-7th. Napadpad sa sixth ang Painters.

Gagawin na lang ni Nambatac na positive motivation ang nangyari.

“Dapat pasok na ‘yun, eh. Kasi bawal na magkamali,” panapos ng 25-anyos na guard. “Hopefully sa last conference (Governors Cup) maging consistent pa rin and mas lalo pa akong mag-improve.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?