132

Apr 30, 2019 @ 15:19
By

Selosong basurero todas sa guwardiya

Patay ang isang basurero nang komprontahin ang guwardiya dahil sa selos sa isang abandonadong gusali sa Quezon City, Lunes ng hapon.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Mario Palma Nabia, 40, at walang permanenteng tirahan.

Agad namang naaresto ang suspek na si Merline Jovi Casas, 20, binata, security guard ng X-Pert Security Agency at residente ng Malabon City.

Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang krimen dakong alas-3:05 ng hapon ng Abril 29 sa abandonadong gusali na binabantayan ng suspek.

Batay sa pahayag sa pulisya ng nakasaksing si Efren Salem, abala umano siya sa pagtitinda ng mami sa labas ng gusali nang marinig at makitang lasing ang biktima habang inaaway ang kaniyang live-in partner na nakilalang si Linda Bosalana dahil sa selos.

Nang hindi sumasagot si Bosalana, ang guwardiyang si Casas ang pinagbalingan ng biktima na may hawak na tubo at lata na naglalaman ng urethane thinner.

Inutusan umano ng biktima na iwanan ng guwardiya ang kaniyang binabantayang gusali at kapag hindi ito umalis ay sasabuyan niya ng thinner sa mukha ang suspek saka sisilaban.

Dahil dito ay galit na sunud-sunod na pinaputukan ng shotgun ng guwardiya ang biktima sa mukha at dibdib hanggang sa duguan itong bumulagta.

Hinala ng awtoridad, posibleng ang nabanggit na guwardiya ang pinagselosan ng biktima na kalaguyo ng kaniyang live-in partner kaya ito ang kaniyang kinompronta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?