257

By

Selfie ni Bong Revilla sa kulungan, hindi ‘big deal’ – Jinggoy

Sharing is caring!

Dinepensahan ni dating senador Jinggoy Estrada ang kontrobersiyal na pagse-selfie umano ni Bong Revilla habang nasa loob ng kulungan at ipinoste pa ito bilang ika-apat na taong anibersaryo umano niya sa loob ng bilangguan.

Sa panayam ng dwIZ, sinabi ni Estrada na masyado lang umanong ginagawang big deal ng publiko at pinapalaki ang isyu.

“Alam mo masyado naman nama-magnify ang issue na ‘yun, its no big deal naman,” sabi ni Estrada.

Nakulong din noon sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame si Estrada pero nakalalaya matapos nitong magpiyansa.

“Unang-una mahigpit naman talaga dun, lalo na nang dumating ang isang babaeng senador lalong humigpit. Tinanggal lahat ng karapatan namin, kahit mga bisita namin ‘di na pinapasok after 5pm. Siguro ‘di naman big deal para ilabas mo sa TV or diyaryo ang pagse-selfie,” sabi pa ng dating senador.

Kinumpiska na ang naturang cell phone sa detention cell ni Revilla matapos magsagawa ng inspeksiyon ang kapulisan makaraang lumabas ang larawan ng “jail anniversary photo” ng dating senador sa Facebook.

Si Revilla ay nahaharap sa kasong plunder sa Sandiganbayan kaugnay sa maling paggamit umano nito sa kanyang pork barrel funds na inilagak sa mga pekeng foundation ni Janet Lim Napoles. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?