26

Sep 26, 2017 @ 15:55

Selfie at mga hearing

By: Milky Rigonan

Parang naging style na sa mga imbestigasyon sa Kamara at Senado ang pagpapakita ng mga litrato bilang ebidensiya laban sa mga inaakusahan at kung may mga gustong isangkot na opisyal ng gobyerno.

Madalas, nase-sentro sa hearing ang pagtatanong at pagtalakay ng mahabang oras sa mga litratong pini-prisinta lalo na kung ka-selfie ng iniimbestigahan ang ilang government officials.

May ilan, gustong i-connect ang nasa litrato sa kontrobersiya. Pero bukod sa litrato, kadalasan, wala nang ibang maipakita para mas tumibay ang koneksiyon at alegasyon kung sangkot nga sa katiwalian o hindi.

Isa sa mga umaalma ay si detained Senator Leila de Lima.

Matatandaan, ang litrato nila ni Kerwin Espinosa ang ipinakitang ‘ebidensiya’ ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kaya nadiin siya sa umano’y operasyon ng droga sa loob ng New Bilibid Prisons.

Ang litrato ni de Lima kay Espinosa, pinakamalaking druglord sa Eastern Visayas ay kuha noong nakaraang taon sa Baguio City at ginamit na ‘ebidensiya’ ni Aguirre para ma-established ang kuneksiyon ng Senadora sa illegal drugs.

Fast forward… sa mga hearing ng Blue Ribbon Committee tungkol sa P6.4-billion na halaga ng shabu mula sa China na nakapuslit sa Bureau of Customs, mga litrato din ang ipinakita sa posibleng link ni Presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte kay Kenneth Dong.

Si Dong ang isa umano sa mga nasa likod ng shabu shipment mula sa China.

Depensa ni Dong, normal lang na may mga kuha siya sa ilang mga public figure. Ika nga, mahilig daw siya magpa-selfie sa mga taga-gobyerno.

Sabi ni Senator Manny Paquiao, “Hindi ibig sabihin na may picture ka, alam transactions mo”.

Hirit naman ni Senator Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee, “Hindi porke’t may picture, ibig sabihin, guilty na”.

Bukod sa mga artista, ang mga pulitiko na siguro ang madalas nahihiritan ng selfie ng mga ordinaryong mamamayan.

So ano ang rules dito ng dalawang kapulungan ng Kongreso? Unfair kasi na magagamit na ebidensiya ang mga litrato depende kung sino ang iniimbestigahan.

Kung hindi kakampi, pwedeng madiin.

Kung kaalyado hindi pwedeng gamiting basehan ang litrato para sabihing guilty.

***

Sa kabilang banda, ang mga selfie ng isang government official ang magagamit naman na ebidensiya laban sa kanya sa umano’y paggamit ng taxpayers’ money.

Sa kanyang posts sa Instagram at Facebook, madalas isinasama ni Ms. Government official ang kanyang boyfriend sa lahat ng kanyang official function.

Kasama ang boyfriend sa pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa para i-promote ang mga programa ng kanyang ahensiya.

Sa mga bigating hotel at high end resorts kadalasan naka-booked si Ms. Government official at kanyang bf.

Sabi ng mga netizen, wala tayong pakialam sa kanyang lovelife. Okey lang ang mga kaliwa’t kanan nilang out-of-town kung hindi gamit ang taxpayers’ money.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?