172

Oct 16, 2017 @ 17:59

Sekyu vs sekyu: 1 patay

Awayang oras sa trabaho ang tinitingnang ugat ng pagtatalo ng dalawang sekyu na ikinasawi ng isa nang pagbabarilin ng tumakas na kabaro nito kamakalawa sa Marikina City.

Sa report na natanggap mula sa tanggapan ni Supt. Romulo Sapitula, Eastern Police Director, nakilala ang biktima na si Randy Santos y Sevilla, nasa hustong gulang at residente ng Tambakan Pagray, Antipolo City.

Target ngayon ng manhunt operation

ng Marikina PNP ang suspek na si Jay Jalapadan, ng PSS Lacolina, Santan St., Fortune, Marikina City.

Batay sa report, naganap ang pagbaril bandang alas-8:10 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Eco Vill St., Fortune, Marikina City.

Ayon sa mga nakasaksi, palagi nilang nakikita na nagtatalo ang dalawang security guard dahil sa oras ng pag-duty na kadalasan umanong nahuhuli ng pasok ang suspek hanggang sa magkainitan na, magkasigawan at natuloy sa panunutok ng baril ni Jalapadan.

Nabatid na napuno na sa galit ang suspek dahil sa patuloy na pang-aasar ng biktima kaya nagawa na nitong iputok ang baril ng ilang ulit sa katawan ni Santos.

Agad na tumakas ang suspek dala ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril at kasalukuyang nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad para papanagutin ito. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?