82

Nov 7, 2017 @ 16:41
By

Sekyu timbog sa pang-uumit ng barya

Hindi pinatawad ng isang sekyu ang P100 na halaga ng barya na pinaghirapang ipunin ng isang lolo sa Sta. Mesa, Maynila.

Humahagulgol na ikinuwento ni lolo Jose Canita sa pulisya na habang siya ay natutulog sa kanyang kariton sa ilalim ng tulay sa Legarda St., Brgy. 420 ay inumit ng suspek na si Rizaldy Sema, 36-anyos, isang security guard ang kanyang mga barya.

Masama umano ang loob ng lolo dahil kita niya ang naturang halaga mula sa pangangalakal ng plastik at bote.

Sa CCTV footage ng Barangay 420 Zone 43, makikita pa ang suspek na nag-iikot sa ilalim ng tulay.

Dito na pala nito minamatiyagan ang biktima na kalaunan ay ninakawan na niya ng pera.

Kuwento ng barangay kagawad na si Enrique Concepcion, nag-iikot sila sa kanilang lugar dahil may mga nauna na silang natanggap na report na may mga nag-eeskoba o nagnanakaw habang natutulog sa kanilang lugar at natiyempuhan naman nila si Sema.

Nahuli aniya sa akto ang magnanakaw na tumangay ng pera mula sa lolo.

Sa pagharap sa Manila Police Station 4, iginiit ng sekyu na aminadong nakainom, na hindi niya magagawa ang naturang bagay lalo pa’t mayroon naman siyang sapat na pera at nag-aabang lamang siya ng masasakyan pauwi ng kanilang bahay.

Dahil dito, mahaharap ang suspek sa kasong theft.

Nagpaalala naman ang awtoridad sa mga naninirahan sa gilid ng kalsada na mag-ingat sa masasamang-loob lalo na kung may mga pera na dala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?