117

Oct 1, 2017 @ 13:19

Sekyu ng Customs, arestado dahil sa katiwalian

Arestado ang isang guwardiya ng Manila International Container Port (MICP) at ang dalawa nitong kasabwat dahil sa hinalang sangkot ang mga ito sa katiwalian sa loob ng container yard ng nasabing pantalan.

Kinilala ng Bureau of Customs (BOC) ang empleyado na si MICP Security Guard II Allan Pangkalinawan na nakatalaga sa Pier Inspection Division, habang ang dalawa niyang kasabwat sinasabing mga “hao siao” sa loob ng BOC.

Ayon kay BOC-Enforcement and Security Services (BOC-ESS) Director Yogi Ruiz, nadiskubre nila ang iregularidad na ginagawa nang tatlo nang magsagawa sila ng inspeksyon sa MICP.

“We have received directives from the commissioner to validate reports of port congestion at MICP, however, while inspecting, we saw one PID personnel and two hao siaos who are facilitating the containers in the yard,” paliwanag ni Ruiz.

Aniya, nagbabayad si Pangkalinawan ng P2,000 kada araw kapalit ng serbisyo na pagbabantay sa mga container.

Huli umano sa video ang mga hao saio na tinutulungan si Pangkalinawan sa paglalabas ng mga cargo.

Ang video ay gagawin umanong ebidensya laban sa tatlo.

Kaugnay nito, iniutos na ni Lapena ang pagsasagawa ng malalim na imbestigasyon sa insidente para sa reklamong isasampa laban sa mga suspek.

“We will build a strong case against them. For now, Pangkalinawan will be relieved from office. Hindi pa natin madetermine kung saan nanggagaling ang pinapasahod niya na P2,000 per day. If found guilty of illegal act, he will be removed from service,” dagdag ni Lapena.

Hindi rin inaalis ni Lapena ang posibilidad na ang pinapasahod sa dalawang hao siao ay galing sa tara, “Hindi rin natin alam kung ano pa ang ginagawa ng mga hao siao doon at kung sino ang nagpapasahos sa kanila, chances are it came from tara or from extortion.” (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?